Sunday, 10 April 2022

V. SANAYSAY

         Mailalarawan natin ang karamihan sa mga kasalukuyang kabataan bilang mapupusok, madaling maimpluwensiyahan, walang pakialam, at suwail. Ngunit may ilan ring mulat sa kasalukuyang kalagayan ng bansa at aktibong nakikilahok sa diskusyon para sa ikauunlad ng sarili at ng bansa. Malaki ang kaibahan ng kabataan noon at ngayon na mababatid natin sa iba’t ibang aspeto tulad ng kaisipan, kilos at gawa. Bagama’t may mga pagkakaiba, hindi ito maituturing na hadlang sapagkat tayo ay nasa modernong panahon na. Hindi batayan ang kakulangan sa ibang larangan upang madiktahan ang pag-unlad ng isang tao. Basta’t meron itong pangarap, pagsisikap at mabuting intensyon ay magagawa nitong magtagumpay sa buhay.

        Sa paglipas ng panahon at pagkamit ng Pilipinas ng kalayaan sa mga mananakop, nagkaroon ang mga kabataan ng oportunidad makapag-aral. Oportunidad na noong unang panahon ay pili lamang at pawang mga mayayaman lamang ang nagkakaroon. Sa kasalukuyan, pinapahalagahan narin ang edukasyon maging anumang estado ng buhay. Malaking parte ng pag-unlad ng isang tao ang edukasyon. Ito ay parang isang talento na kailangan hasain at pagtuunan ng pansin. Ito rin ay susi upang lumawak ang kaalaman at magkaroon ng kakayahan suriin ang mga bagay bagay depende sa sitwasyon.

        Bagama’t maraming pagkakaiba ang kabataan noon at ngayon, hindi dapat sila ipaghambing upang masukat kung sino ang mas nakakaangat. Una sa lahat, hindi pareho ang pamumuhay ng mga kabataan noon kumpara ngayon. Iba’t iba rin ang kinakaharap nilang suliranin sa buhay. Sa ngayon bilang mataas na ang lebel ng teknolohiya, mas mabilis narin ang pagkalap ng impormasyon. Ilan sa mga impormasyong ito ay totoo at marami ring pawang kasinungalingan o gawa-gawa lamang. Ito ang pagsubok sa mga kabataan ngayon kung saan sila ang madalas at mabilis maimpluwensiyahan ng mga bagay-bagay. Sa pag-usbong ng iba’t ibat application tulad ng facebook, youtube at tiktok, marami ang namumulat sa huwad na katotohanan. Ang mga application na ito ay nagtataglay ng algoritmo na nagpapakita ng mga bidyo batay sa huling napanood kung saan ang paulit-ulit na panood ng mga pekeng impormasyon ay magiging tamas a mga mata ng manonood. Ito ay mababatid natin lalo na sa kasalukuyang panahon ng eleksyon na mas pinagkakatiwalaan pa nila ang mga bidyo sa youtube at tiktok kumpara sa mga libro at pagaaral ng mga dalubhasa. 

        Sa kabila ng maraming hadlang sa pag-unlad ng kabataan, maituturing parin silang pag-asa ng bayan. Dahil sa bawat henerasyon ng kabataan magmumula ang mga lider ng ating kinabukasan. Ang mga hadlang at pagsubok na ito ang humubog sa kanila at patunay ng kanilang pagtatagumpay sa buhay. Ngunit huwag nating ilimita ang pagiging pag-asa para sa mga kabataan lamang. Ang bawat isa, anuman ang edad ay maaaring maging pag-asa ng bayan hangga’t mabuti ang hangarin at integridad.

No comments:

Post a Comment

IX. TEKSTONG PROSIJURAL